Isang pagmumuni-muni

Ang hirap bigyan ng kahulugan ang salitang dignidad dahil hindi natin ito malimit na ginagamit. Napakabasal nito sa ating mga buhay. May konsepto tayo nito nguni’t nasa dulo lang ng dila ang lahat ng gusto nating maipahayag. Tumitigil ang lahat sa pagkaalam. Tapos. Alam lang natin ito pero hanggang doon lang. Malabo. Masaklap. Madugo. Nakakalungkot na sa kabila ng napakaganda nitong kahulugan at hangarin ay nawawalan lang ito ng saysay. Kaya naman nagiging problematiko ito. Sa ngayon, ating bigyan ng simpleng pangunguhulugan ang salitang ito na nawa’y magkaroon tayo ng kanya-kanyang pang-unawa ukol dito. Ang dignidad ng tao ay isang bagay na nagdudulot ng karapatan sa lahat. At sabi nga nila, ang bawat karapatan ay may karampatang tungkulin.

Ngayon, bigyan naman natin ng tuon ang pagkakaroon ng dignidad ng isang tao. Hindi ito isang suliranin para sa isang nakakarangyang tao. Kaya niyang bigyan ang sarili niya ng dignidad dahil makapangyarihan siya. Hindi rin ito ganito sa mga nasa gitna lamang. Pero, nagiging problematiko na ito sa mga kapwa nating Pilipinong mahihirap. May dignidad ba silang natatamasa? May dignidad pa rin ba sila?

Sa kalagayan ng ating lipunan, talamak ang pagnanakaw, kidnapping, patayan para sa pera. Dahil nga ba sa kahirapan ay handang isugal ng mga tao ang kanilang dignidad, ang lunukin ang lahat para lamang mabuhay? Ang manguha ng buhay ng iba? Kaya nga ba ng kahirapan na gawing ganito kadesperado ang mga tao?

Ngunit napansin na rin ba natin ang iba? Ang mga tuloy sa pagpapakadakila, sa paggawa ng mabuti at hindi nakakasakit? Ang kumukuha at nagbibigay sa atin ng ating mga pagkain ngunit sila mismo ay wala? Habang ang mga mayayaman, bakit nga ba ang ilan sa kanila ay hindi pa rin kontento sa kanilang yaman? Dahil ba sa ang lahat ay kaya na nilang bilhin kaya’t naghahanap sila ng makapagbibigay ng saya sa kanila, tulad ng pagnanakaw, o pagsshoplift?

Ang pagpapanatili ng dignidad ng tao ay hindi nakadepende sa pagiging mayaman o mahirap. Ang pagpapakawala o ang pagpapanatili nito ay maaaring piliin ng tao. Ang dignidad ay hindi ang pagkakaroon ng trabaho sa opisina, ngunit ang pagkakaroon ng maayos na hanapbuhay ng hindi makakasakit ng iba, na kahit na maliit ay nakapagpapabuhay mula sa mga perang nakukuha mula sa mabuting paraan. Totoong mahirap magpanatili nito, lalo na kung hirap sa pamumuhay, gipit. Maraming tao ang nag-iisip marahil na wala na silang ibang paraan upang mabuhay, kundi ang magnakaw, kumitil, magbenta ng ipinagbabawal na gamot, at iba pa na makakasakit ng iba. Ngunit marahil meron, kung patuloy lamang na imumulat ang mga mata, at huwag susuko.

Ano naman ang nangyayari sa mismong eryang aming naranasan? Alam naman natin na halos lahat sa mga batang tinuturuan namin ay galing sa mahirap na pamilya. Ano kaya ang kalagayan ng kanilang dignidad?

Kitang-kita naman sa mga tutees natin, na sa kabila ng kanilang kahirapan ay kitang-kita pa rin ang kanilang dignidad. Lumalabas na hindi pa rin batayan ang pagiging marangya ng iyong buhay para masabing may dignidad ka. “It’s how one gives value to himself.” Tignan na lang natin ang mga tutees naming. Nagagawa pa rin nilang magsaya (syempre bata sila), nabibigyan pa rin nila ng halaga ang buhay nila dahil naipagkakaloob pa rin nila rito ang mga pangangailangan nito tulad na nga ng kasiyahan. Pumapasok sila sa kanilang paaralan, sa Balanti Elementary School, nag-aaral sila nang mabuti, naglalaro sila at nagpapakabata at ang kahanga-hanga pa’y inilalaan nila ang kanilang mga Sabado, upang makipagsabayan ng pagkatuto sa kanilang mga tutors. Mabuti at hindi sila nalululong sa masamang bisyo, droga o kung ano man. Kahit sa kahirapan, hindi nila nagagawang gumawa ng masama para lang mabigyan ang sarili ng kasiyahan.

At ito ang ipinapamulat ng NSTP sa mga Atenista. Kung ang mga tutees namin, kahit sa kanilang sitwasyon, kaya nilang mabuhay at paigtinging ang kanilang dignidad, paano pa tayong mas lalong kaya pang panindigan at ipaglabang ang sarili nating mga dignidad? Simple lang naman ang gusting iparating ng Ateneo sa atin. Sa dalawang semestreng kanilang inilalaaan upang tayo ay makatulong, maging bukas sana sa ating mga puso’t isipan na ang bawat gawin natin ay para sa kanilang dignidad. Alam nila ang hanggahan ng kanilang dignidad nguni’t sa ating sama-samang pagkakapit-bisig ay mapapalawak pa natin ito.

Nguni’t hindi perpekto ang NSTP. Marami pa itong dapat ayusin sa kanilang sistema. Anu ba talaga ang dapat pagtuunan ng NSTP, lalo na ang LTS na bahagi nito? Bakit may mga kakulangan pa rin? Paano nga ba talaga nalalaman kung may naitutulong ba talaga ang NSTP sa mga erya nito? At ito ang magiging papel naming magsisitapos ng pagtataya sa aming erya. May magagawa pa tayo. Maaari pa rin tayong magbigay ng tulong kung kinakailangan ng OSCI. Ang iba sa amin, lalo na ang kasapi ng Gabay, ay maaari pa ring magpatuloy sa pagtataya. Pero tulad nga ng nasabi, may pananagutan din ang nagpapasimula ng mga gawain, ang OSCI. Kaya nga isa pa rin itong bayanihan ng Ateneo, upang maitaguyod ang dignidad ng mga kapwa nating Pilipinong maralita. Nawa’y sa ating pagkakapit-bisig ay makakamit ang hangarin at layunin ng NSTP para sa kanila.

*Isang pagkakapit-bisig nina

Cherryl Chico

Bless Chua

Jireh Mostrales

RM Operania

Jan Rico

LTS – AH

Mag-iwan ng puna